Marami ang nagtatanong kung paano masasagot ng tama ang mga word problems sa Math. Isa kasi ito sa kinatatakutan ng mga estudyante. Kadalasan kasi ay mas mataas ang puntos nito kaysa sa mga ordinaryong tanong. Tama lang ang gayon dahil talagang paglalaanan mo ito ng pag-iisip at tamang konsepto. Pangalawa, ikaw pa mismo ang magtatakda ng iyong equation. Kapag mali ang naiporma mong equation, tiyak na mali ang iyong sagot.
Pag-aaral lang nang husto at praktis ang nakikita kong paraan upang masagot nang wasto ang mga problemang nasusulat sa salita. Ang maraming praktis ay nakakatulong upang maging pamilyar sa iyo ang tipo ng mga problema. Kapag nakita mo ang lahat ng diskarte para ito sagutin, magiging madali na ang pagsagot nito.
Ang nasa ibaba ang ilang diskarte o tips para masagot ng tama ang isang word problem:
1. Basahing mabuti ang problema lalo na ang mga detalye. (Read and understand the problem carefully especially the details)
2. Itampok ang hinihingi ng problema.(State the problem)
Ano ba ang hinihingi o hinahanap ng problema? Halimbawa, kung ang hinahanap ay area ng isang sukat ng lote o lugar, alamin ang mga detalye at pormula kung paano ito makukuha.
3. Ilista ang mga detalyeng nakapaloob na sa tanong o yaong tinatawag na given.
4. Magtalaga ng letra o titik sa hinahanap o unknown.
5. I-set up ang equation.
6. Sagutin ang equation.
7. Bilisan ang pagsulat lalo na't konting oras lamang ang nakalaan.
8. Kung hindi natapos ang computation, huwag itong burahin o lagyan ng ekis. Ito ay magkakaroon din ng puntos kahit hindi natapos basta't nakita ng gurong nagpursige at tama ang paraan mo sa pagsagot.
9. Pag-aralan ang tamang pagsagot nito kapag ibinalik na ng guro ang iyong papel na may marka upang masagot na ito ng tama sa susunod na pagsusulit.
10. Magpaturo sa kamag-aral o magulang na bihasa sa pagsagot ng word problems.
11. Mag-praktis at mag-praktis.